Sampagita (a short story in Filipino)

Naglakad siya pabalik sa kinatatayuang gilid ng pinto ng simabahan nang nakayukod, malungkot. Nagmasid sa kapaligiran ang musmos. Mga matang nangungusap, sumasalamin sa bawat mukha ng kahirapang nakikita. Isang nanay na tumatakbong hinabol ang anak na pumiglas sa pagkakahawak. Mga manghuhulang hinuhulaan ang kapalaran ng mga parokyanong sa sobrang desperado ay minabuting maniwala sa mga hulang hinuhulaan. Mga matanda na nagbebenta ng gamot pampalaglag, kinukunsinti ang pagpatay sa mga nilalang na hindi pa naman iniluluwal ng mundo.

Advertisements

I love reading. I also love writing but with my previous attempts on writing three novels, I fail completing at least 6 chapters. Recently, though, I’ve come up with an idea, it was so sudden, while I was lying in bed trying to fall asleep. So, just like any ordinary writer, I didn’t let the opportunity slip and wrote its plot on my phone. Then voila! After a few bleeding revisions I finally gave birth to this simple (and first) short story without my professors requiring me to write. It’s all in Filipino so for you foreigners out there, you can always use the help of online translations.

“SAMPAGITA”

Bulinggit. Sobrang liit na batang babae para sa edad niyang siyam na taon. Maitim, bungi-bungi ang mga ngipin. Palibhasa’y walang pera pang konsulta sa dentista.

Dentista, ano ‘yon?

E minsan pa nga lamang siya napadpad sa health center at ospital. Noong limang taong gulang siya. Naaksidente kasi at magpahanggang ngayon ay dinaranas ang hirap na dulot nito. ‘Di bale na muna, pang araw-araw na pamatid gutom ang kailangan ng kaniyang pamilya. At dapat na nilang simulan ang pagkayod ngayon. Biyernes, maraming deboto ng itim na nazareno ang pupuntang simbahan para sundan ang panata. Alas kwatro nang madaling araw ay umaalingaw-ngaw na ang bulyaw ng nanay, ginigising ang mga supling. Ito namang ating munting nilalang ay pupungay-pungay pa ang mga mata.

Bilisan mo riya’t mauunahan tayo ng mga badjao! Sigaw naman sa kanya ng kuya Atoy. Pito silang magkakapatid, pang-apat siya. Isama na ang dalawang magulang, bale siyam sila sa pamilya. Siyam na kaluluwa ang pakakainin ng tatlong pirasong hatdog at limang pandesal ngayon sa hapag-kainan.

Nag unahan sa pagkain ang lahat maliban sa kanya. Naalala niyang marami siyang nakain na tutong ng kanin kagabi at napag-isipang ipaubaya na lamang sa mga kapatid at magulang ang hotdog at pandesal. Mamaya na lamang siya kakain kapag marami na’ng benta.

Walang ligu-ligo, naghilamos lang siya, hindi na rin nag sipilyo dahil wala namang toothpaste, dinampot niya ang bungkos ng sampaguita na nasa pinto ng kanilang barung-barong at saka walang pasabing lumabas sa papaumagang naghihintay sa buong maghapong trabaho.

Nilingon niya ang kanilang munting tahanan. Gawa ito sa mga pinagtagpi-tagping yero, tarpolin, sako at plywood. Makailang ulit na rin itong binayo ng mga nagdaang kalamidad kasama ang mga barong ng kapitbahay. Wala man lang ni isa ang sumunod sa kanya palabas, marahil ay abalang-abala parin ang lahat sa pagkuyog sa kakarampot na agahan. Simbahan ng Quiapo ang tungo niya.

Isang taon na rin nang siya’y huminto sa pag-aaral sa elementarya upang magbenta ng sampaguita. Magtrabaho at kumita ka muna ng pera, magpakayaman ka, pagkatapos ay mag-aral ka kahit saan mo gusto! Salita ng kaniyang ina na tangi niyang pinanghahawakan sa pang araw-araw na pagsabak sa lansangan.

Alas singko at tamang-tama ang dating niya sa paglabas ng mga tao galing sa kakatapos lang na misa. Hindi pa niya nakikita ang mga katunggaling badjao kaya naman sa kanya ang buhos ng mga taong bibili ng sampaguita.

Tulad ng karaniwang bata, pinagarap niya ring makapag tapos ng pag-aaral. Nakahiligan niya rin ang pagbabasa kaya naman mula nang siya’y huminto sa pag-aaral ay binabasa niya na lamang ang mga diyaryong paninda ni Aling Kusing sa tapat ng simbahan. Mabait naman ito at hinahayaan siyang magbasa nang libre. Paminsan pa’y binibigyan din siya ng panindang mga tinapay kapag maganda ang mood ng matanda.

Nagdaan ang ilang sandali at parami na nang parami ang mga tao. Lahat ng madaanan ay inaalok niya ng paninda ngunit nakapagtatakang wala nang bumibili kahit isa. Dumami pa ang bugso ng mga tao at tila may tinitingnan ang lahat sa gawing kanan ng simbahan. Bakas sa mukha niya ang pagtataka kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga tao. Pagkalingon niya’y nagulat siya nang tumambad sa kanya ang mga katunggaling badjao na sumasayaw at kumakanta sa awit ng loooooorrddd, patawaaadd. Pagkat ako’y makasalanaaang… makasalanang nilalaaannnggg.

Kaya pala wala nang bumibili ng sampaguita sa kanya! Gumawa ng panibagong gimik ang mga katunggali para maakit ang mga tao. Napatangang umiwas siya ng tingin sa kaganapan. Paano na ito?

Mukhang maliit lamang ang kikitain niya sa araw. Idagdag pa na hindi pa siya nag-aalmusal.

Almusal.

Bigla siyang nakaramdam ng gutom. Nakakahiya namang manghingi ng tinapay kay Aling Kusing dahil kahapon lang ay binigyan na siya nito ng pagkain. Baka nga naman isipin ng matada e nang aabuso na siya.

Naglakad siya pabalik sa kinatatayuang gilid ng pinto ng simabahan nang nakayukod, malungkot. Nagmasid sa kapaligiran ang musmos. Mga matang nangungusap, sumasalamin sa bawat mukha ng kahirapang nakikita. Isang nanay na tumatakbong hinabol ang anak na pumiglas sa pagkakahawak. Mga manghuhulang hinuhulaan ang kapalaran ng mga parokyanong sa sobrang desperado ay minabuting maniwala sa mga hulang hinuhulaan. Mga matanda na nagbebenta ng gamot pampalaglag, kinukunsinti ang pagpatay sa mga nilalang na hindi pa naman iniluluwal ng mundo.

Napakaraming pangyayari na kung tutuusin ay maliit na bagay na lingid sa kaalaman natin ngunit hindi kaila sa kaniyang musmos na kamalayan.

Ipinagpatuloy na lamang niya ang pagmamasid at paghihintay na may bibili sa kaniyang paninda.

Kumakalam ang sikmura.

Kasabay ng pagkapal ng mga tao at maingay na lansangan, isang bagay ang lubos na nakapukaw ng kaniyang atensyon dahil hindi ito pangkaraniwang nangyayari. Nakakita siya ng isang bagay na lumulutang sa gawing maputik. Nilapitan niya ito at pinulot.

;8&$^)(*)7jkg$3rstr!!!!

Pitaka?

Sinuri niya ito at napag pasyahang tae lamang na nakabalot sa papel dahil sa lambot at kapal nito.

Pero teka…

Mukhang pitaka nga!

Nagtaka siya na kahit isa ay wala man lang pumulot nito. Aba! Kahit pala mga batang yagit ay hindi pupulot ng kayamanan sa putikan. Pero sa bagay, siya nga mismo ay napagkamalan itong tae. Hindi na mahalaga, basta nakapulot siya ng pitaka.

May laman naman ba o wala?

Naupo siya sa isang saydwok at pinagmasdan ang napulot. Basa ito at mabaho. Hindi na niya inasahang may laman itong pera. Sa bigat nito, aakalain nating tubig at putik ang laman ngunit nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita. Isang makapal na bungkos ng bente pesos.

Kumakalam parin ang sikmura.

Bigla niyang isinara ang pitaka. Nanginig ang kanyang mga kamay at lumigid-ligid ang kaniyang mga mata – nagmamasid kung may nakakita sa biglang reaksyon niya. Muli niya itong binuksan at tama nga ang una niyang nakita! Hindi na siya nag tangkang bilangin ang halaga ng pera, alam na niyang mas malaki pa ito sa kikitain ng buong pamilya sa isang linggo. Ngunit sino naman kaya ang nagmamay-ari nito?

Tiningnan niyang mabuti ang pitaka na marahil ay gawa sa balat ng hayop. Humanap ng palatandan. Binuklat niyang muli at sa maliit na siwang ng pitaka ay may isang nakasingit na I.D. May retrato, pangalan at address. 394 Loma De Gato St., Marilao, Bulacan.

Bulacan?

‘Di ba malayo ‘yon mula sa Quiapo? Kung pupuntahan niya ang may-ari sa Bulacan upang ibalik ang napulot na pitaka, malabong makabalik siya nang may araw pa. Kung ipag bibigay alam niya naman ito sa pulisya o kahit sinong autoridad sa barangay, hindi na niya inaasahang makarating ito sa may-ari dahil, kahit sa musmos niyang gulang, ay kabisado na niya ang gawi ng mga ito.

Kahit nakapikit.

Hindi rin naman niya maaaring ipakita ang napulot sa mga kapatid at magulang. Naku! Lalong-lalo na sa kaniyang tatay. Siguradong aangkinin niya ‘yon. Ipangsusugal at ipang lalasing. Natatakot din siyang may makaalam kahit sino sa kalsada, lalo na ‘yong mga badjao, dahil paniguradong sasaktan siya at kukunin sa kaniya ang pitaka. Siguradong-sigurado siya na gano’n ang kahihinatnan dahil minsan na itong nangyari. Sa panahon ngayon, suntok sa buwan ang taong mapag-kakatiwalaan. Kahit nga sarili natin ay hirap nating pagkatiwalaan.

Patuloy ang pagkalam ng sikmura.

Hindi naman siguro masamang kumupit kahit isang bente pesos pambili ng pagkain?

Tiningnan niyang muli ang retrato sa loob ng pitaka. Sandaling huminto at nag-isip. Napatingin sa krus na nakatapak sa bubong ng simbahan, muling pinagmasdan ang mga manghuhula at nagbebenta ng pampalaglag. Ngayong araw marahil ay simula ng pagbabago ng kaniyang buhay.

O marahil ay hindi.

Nagmadali siyang lumakad at saka sinimulan ang tahimik na paglalakbay. Nagbabakasakali.

Ang mundo ngayon ay isang malaking baynokyular na minamatyagan ang bawat kilos niya magmula ngayon. Siya naman ay isang inosenteng takas na bilanggo, nakabusal ang bibig ngunit gagawin ang lahat upang may makamit.

Binaybay niya ang kahabaan ng simbahan, tinawid ang mapanganip na kalsada, sinuyod ang kapal na tao sa Recto. Pinagmamasdang maigi ang bawat mukha ng kaniyang mga nakakasalubong.

Nagpatuloy siya sa paglalakbay.

Ang kaniyang kumakalam na sikmura…

 

(Image credits to travelphilippinesnow.com )

Author: Danica Aquino

Tied the knot with performing arts since fourth grade; is an amateur writer (currently on her quest to writing her first novel); book and animal lover; always entranced by nature.

One thought on “Sampagita (a short story in Filipino)”

Have something to say? Please leave your comment below:

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s