Dalawang Pahina

Magkubli tayo sa kunwari at sa kung ano ang hindi kailan ma’y magiging tayo,
habang ninanasa ang mga pangakong sa panaginip lamang nabubuhay at totoo.

Sabay nating paglaruan ang mga salitang ni minsa’y hindi sinambit ng mga duwag na labi,
habang pinagmamasdan ang apoy na pumapaso sa’ting balat t’wing mapusok na haplos ang nagwawagi.

Mamuhay tayo ngayon na parang walang naganap na kahapon.
Kung sa ganoong paraan ka liligaya, ipagpapatuloy kong hilingin na sana’y hindi mawala ang ngiti sa’yong mga mata.

Magkubli tayo sa kunwari at sa kung ano ang hindi kailan ma’y magiging tayo,
habang ninanasa ang mga pangakong sa panaginip lamang nabubuhay at totoo.

Mananatili ako rito. Magkukubli. Magkukunwari.
Hanggang sa dumating ang araw na baka nais mo ring magtagpo tayo sa iisang dulo.

-d. rose / 2.12.17

Ulupong (Ikalawang Yugto)

Isang tula tungkol sa ahas… at mga inahas!

Ulupong,
‘yon ka.
Isang ulupong.

Masagasaan ka sana
ng mga rumaragasang trak
sa madilim na kalsada.
Mahulog ka sana sa bangin.
Liparin ka sana ng mapaminsalang buhawi.
Mabaog ka sana
nang hindi na dumami ang lahi ng isang tulad mo.

Ang sama ko!
Ang sama ko pala
para pag-isipan ka ng ganito.
Pero hindi ba
lahat naman ay nagiging masama
sa oras na masaktan tayo?

Patawarin mo ko.
Ayoko na sayo pero
patawarin mo ko
sa lahat ng masamang inisip ko.

Kahit gaano ka man kasama sa paningin ko,
hindi nawawala ang katotohanang
pare-pareho lamang tayong tao—
nagkakamali at
itinatama ang pagkakamali.

Kaya patawarin mo ko
katulad ng pagpapatawad ko sayo.
Pinalaya ko na ang tanikalang ‘yong iniwan,
gaya ng pagpapakawala mo sa’kin
kaakibat ng ‘yong paglisan.

Imahe mula sa moy1moy1 photobucket

Ulupong (Unang Yugto)

Isang tula tungkol sa ahas… at mga inahas!

Mapanglaw na tahanan
iyong inilawan,
matagal nang nagkukubli,
pagdating mo’y walang pasubali,
ika’y tinaggap nang
maluwat sa kalooban.

Tapat kang tunay—
ang sabi mo—
ako’y naniwala
‘pagkat dama ko ang totoo.
Ngumiti, nagtagpo
ang ating mga mata.
Ako’y masaya,
ngunit walang bakas nito
sa iyong madilim na mukha.

Matapos ang muling pagkikita
mula sa kahapon
ng mga nagdaang taon,
puso’y nakadama ng alinlangan,
kakaba-kabang inisip ang iyong katayuan
para sa atin—
sa akin.
Sa atin.
Sa akin.
(May “sa atin” nga ba?)

Lumipas ang mga oras,
nag-aalalang hinintay ko
ang iyong paraon.
Ang dating matiyagang bubuyog
ay nawala—
nilamon ng mga alon.
Alon na ‘yong nakita
sa mga mata ng iba.

Ang huling pag-uusap,
nagmarka ng malupit na katotohanan,
masahol pa sa isang kaibigang iyong tinuran—
hindi ko lubos maisip
magpapasok ng isang ahas sa aking tahanan,
ngunit ulupong pala
ang iyong tunay na kalooban.

Imahe mula sa moy1moy1 photobucket